Wednesday, February 1, 2012

Sinungaling ang boyfriend

Dear Maria Angela,
Dapat ko pa bang pakisamahan ang boyfriend kong sinungaling? Kahit nahuli na, siya pa ang nagagalit. Ano po ang dapat kong gawin? - Aiza

Aiza,
Reverse psychology ang kanyang ginagawa kaya ipinapakita niyang nagagalit siya kapag sinisita mo. Kung hindi kasi niya gagawin iyon, siguradong tuluyan mo na siyang mabubuking. O, hindi ba kapag sinisita mo siya ay gumagawa siya ng ibang bagay na pag-aawayan ninyo. Ang dahilan, ayaw niyang matuon ang iyong atensyon sa kasalanang nagawa niya sa’yo. Ikaw naman, huwag kang magpapadala sa drama niya. Kung mayroon siyang kasalanan sa’yo, sabihin mo. Kung niloloko ka niya, bakit nagtitiyaga ka pa sa kanyang piling. Huwag mong sasabihing dahil mahal mo siya, hah. Bago ka magmahal ng ibang tao. Kailangan mo munang mahalin ang iyong sarili. Huwag mong hayaang saktan ng ibang tao para naman irespeto ka. Kung makikita kasi ng boyfriend mo na parang okay lang sa’yo na niloloko ka, uulit-ulitin niya iyan. Gusto mo ba iyon? Sige ka, baka kapag nasanay ‘yan ay tuluyan na siyang mawala sa’yo. Kailangan mo rin namang panindigan ang galit mo. Awayin mo siya para naman Makita rin niya kung gaano siya kaimportante sa’yo sapagkat nagagawa mo siyang ipaglaban. Ngayon kung hindi naman niya pinahahalagahan ang iyong pagmamahal, makipag-break ka na lang sa kanya. Sigurado kasing hindi rin naman mauuwi sa happy ending ang inyong relasyon. Kung talaga kasing mahal ka niya, hindi ka niya sasaktan. Kaya, sana naman ay mag-isip-isip ka na. Tandaan mo rin, walang silbi ang inyong relasyon kung hindi naman niya makuhang maging tapat sa’yo.

No comments:

Post a Comment