Friday, February 3, 2012

Rason kaya nabuo ko ang Dear Maria Angela

Ang ‘DEAR MARIA ANGELA’ ay naisipan kong gawin dahil alam kong maraming teenager na namumublema sa kanilang pamilya, lovelife, barkada at kung anu-ano pa kaya’t naririto ako para mahingan ninyo ng payo.
Alam kong kahit mayroon kayong pamilya at mga kaibigan, may mga bagay pa rin kayong hindi nasasabi sa kanila sapagkat marami kayong pangamba. Kabilang na rito iyong baka hindi nila kayo maunawaan at makarinig lang tayo ng masasakit sa kanila.
Ang DEAR MARIA ANGELA ay naririto upang makapiling mo sa’yong pagdurusa, hinagpis at kalungkutan. Sa lahat ng oras ay maaari mo akong maging karamay at sandigan. Kung ibig mong hingan ako na payo, handa kitang bigyan. Kung minsan kasi, ito lang ang kailangan mo upang malihis ka sa maling landas.
Kung minsan nga, para makatakas ka sa mga problema, mas pinipili mong sumama sa mga maling tao. Kung inaakala mong malulutas ang iyong problema sa pag-inom ng alak o pagdu-droga, nagkakamali ka. Tiyak pang mas lalong lalala ang dinadala mong problema. Kaya, naririto upang ipagbigay alam sa inyo na mayroon pa kayong mapagbabalingan kapag marami na kayong problemang dinadala at kailangan na ninyo itong ilabas.
Hindi ninyo man ako nakikita ng personal, handa akong maging karamay ninyo sa lahat ng oras. Pakikinggan ko ang inyong mga hinaing at asahan ninyong bibigyan ko kayo ng payo. Alam ko kasing ito lamang ang makatutulong sa’yo upang makapag-isip ka at lumuwag ang iyong pakiramdam.
Kailangan mo ng kaibigan, nandito ako.
Kailangan mo ng payo, andito ako.
Sa lahat ng oras ay naririto lamang ako para sa’yo.
Post na ng problema. Agad ko ‘yang sasagutin.
Hintayin ko kayo.


Nagmamahal,
Maria Angela

Happily Married pero mayroon pa ring lover

Dear Maria Angela,
I’m 36 years old, happily married pero may lover ako na may asawa rin. Tama ba ang ginagawa ko? - Tricia

Tricia,
Tatlumpu’t anim na taong gulang ka na kaya dapat ay alam mo na kung tama o mali ang iyong ginagawa. Kunsabagay, may mga taong hindi gaanong iniintindi kung ano ang tama basta ang importante ay masunod ang kanyang gusto. Sa palagay ko’y ganoon ka kaya nakukuha mo pang magtaksil. Sabi mo naman ay happily married ka, kaya labis na nakakapagtaka kung bakit nagawa mo pang magtaksil. Hindi mo ba naisip na may sinumpaan kayo. Saka, maligaya ka ba sa’yong ginagawa? I’m sure hindi. Kung may konsensiya ka kasi tiyak na makakaramdam ka rin ng guilt sa tuwing magtatagpo ang mga mata ninyong mag-asawa. Kungganoon naman pala, sana huwag mo na siyang saktan. Isa pa, pumapasok ka sa magulong sitwasyon. Biruin mo, pareho kayong may asawa pero pareho kayong naglulunoy sa kasalanan. Habang hindi pa huli ang lahat, sana ay itama mo na ang mga pagkakamaling iyong nagawa.

Thursday, February 2, 2012

Aso’t pusa ang mag-asawa

Dear Maria Angela,
Lagi kaming nag-aaway ng aking asawa. Bakit nagagawa ko pa rin siyang patawarin sa kabila ng mga kasalanan niya sa akin? - Kristine

Kristine,
Natural lang sa mag-asawa iyong nagkakaroon ng pag-aaway o pagtatalo, kaya huwag kang magtaka kung bakit nagagawa mo siyang patawarin sa kabila ng mga kasalanan niya. O, hindi ba talaga namang mahal mo siya? Iyon ang rason kaya nagagawa mong kalimutan ang kanyang mga kasalanan. Kung sa tingin mo naman ay paulit-ulit na niyang nagagawa ang kasalanan na iyon, siguro naman ay panahon na para mag-usap kayo ng masinsinan. Walang silbi ang pagpapatawad kung hindi bukal sa loob niya ang paghingi ng tawad. Kapag ang isang tao ay nanghingi na ng tawad, dapat lang na hindi na niya gagawin ulit, hindi ba? Mag-usap kayong mag-asawa para magawa ninyong ayusin ang anumang gusot sa inyong pagsasama. Kailangan mo ring itanim sa isipan mo na hindi lang sa kama magtatapos ang pagiging mag-asawa ninyo. Kailangan din siyempreng nirerespeto ninyo ang isa’t isa. Tandaan mo, ang paulit-ulit na pagkakamali ay kawalan ng respeto sa kanyang kapareha.

Maraming manliligaw pero may ibang labs

Dear Maria Angela,
May gusto akong guy kaya lang ‘di puwedeng maging kami. Ang problema ko ay lagi siyang nasa aking isipan. Maraming nanliligaw sa akin ngunit hindi ko gustong magka-boyfriend dahil sa kanya. - Michelle

Michelle,
Kung alam mo palang hindi maaaring maging kayo, pilitin mo na ang sarili mong kalimutan siya. Maaari ngang mahirap gawin iyon subalit iyon ang nararapat para maipagpatuloy mo ang iyong buhay. Kung talagang hindi talaga maaaring maging kayo, isipin mo kung anong rason kung bakit hindi kayo maaaring magkaroon ng happy ending. Kapag naitatak mo sa isipan mo ang dahilan na iyon, mari-realize mo na hindi nga siya dapat mahalin. Kung sinasabi mong may mga manliligaw ka, ibaling mo sa kanila ang iyong atensyon. Hindi ko naman sinasabi sa’yo na sagutin mo ang isa sa kanila kahit hindi mo gusto. Ang sa akin lang, kilalanin mo sila at baka ma-realize mo na isa sa kanila ang maaari mong ibigin. Hindi mo mapagtatanto na walang kapalit ang guy na iyon sa iyong buhay kung hindi mo bibigyan ng pagkakataon ang iyong sarili na kumilala ng iba, hindi ba?

Iniisnab ng boyfriend ang text at tawag

Dear Maria Angela,
Nagsasawa na akong tumawag at magtext sa aking boyfriend dahil hindi siya nagri-reply. Dapat pa ba akong mag-effort para siya’y tawagan at i-text? - Karen


Karen,
Kung hindi ka na niya binibigyan ng pansin, siguro nga mas makabubuti kung huwag mo ng ipagpatuloy pa ang pag-contact sa kanya. Magmumukha ka lang katawa-tawa na naghihintay sa kanyang reply. Maaaring kaya siya hindi nagre-reply sa’yo ay dahil gusto na niyang iparamdam sa’yo na hindi na siya interesado sa inyong relasyon. Pasensiya ka na kung masakit ang aking sinabi subalit pupuwedeng tama ako, hindi ba? Kung talagang mahal ka niya, hindi ka niya siguradong magri-reply man lang siya. Kahit sabihing busy siya, siguradong gagawa siya ng paraan para ma-contact ka. Hmmm, huwag mo na siyang tawagan o i-text. Kung may pagpapahalaga siya sa’yo at sa inyong relasyon, nakasisiguro akong makikipagkomunikasyon siya sa’yo.

Iniwanan ng boyfriend na gustong mag-enjoy sa pagiging single

Dear Maria Angela,
Isang buwan na halos ng makipag-break sa akin ang boyfriend ko dahil gusto raw niyang i-enjoy ang pagiging single niya. Anong gagawin ko? - Wendy


Wendy,
Mas makabubuting mag-move on ka na. Sa ngayon ay mahirap sa’yong gawin iyon dahil mahal mo pa siya ngunit, tiyak sa paglipas ng araw ay malilimutan mo rin siya. Ang kailangan mo lang gawin ay burahin siya sa’yong alaala. Ngunit hindi ka magtatagumpay layuning ito kung lagi mo pa rin siyang iisipin kaya makabubuting itago mo na ang mga bagay na makapagpapaalala pa sa pagmamahalan ninyo. Mas maiging ibaling mo na lang ang pansin mo sa ibang bagay, tulad ng iyong pagtatrabaho o hindi kaya’y sa pag-aaral. Pero sana rin isipin mo ang rason kaya nagpasya siyang wakasan ang inyong relasyon. Dahil nga ba hindi ka na niya mahal o dahil nasasakal na siya sa’yo? Kung alam mong selosa ka, maaaring iyon ang rason kung bakit iniwanan ka niya. Wala ka ng magagawa pa para ayusin mo ang inyong relasyon kung matibay na ang desisyon niyang iwanan ka. Ang gawin mo na lang ay itama mo ang mali mong ugali para sa susunod na magka-boyfriend ka ay hindi na magdedesisyong makipag-break sa’yo.

Afraid sa ex-girlfriend ng boyfriend

Dear Maria Angela,
Nabalitaan kong uuwi ang ex-gf ng bf ko. Natatakot akongmagkita sila dahil baka matuklasan nilang mahal pa rin nila ang isa’t isa. Ano ang aking gagawin? - Fhaye

Fhaye,
Teka nga muna, bakit ba natatakot ka ng ganyan, eh, matagal na namang tapos ang kanilang relasyon? Wala ka bang tiwala sa’yong boyfriend? Hindi mo ba nararamdaman ang kanyang pagmamahal? O nai-insecure ka lang? Kung talagang mahal mo ang iyong boyfriend, dapat lamang na pagkatiwalaan mo siya. Kung hindi mo ito gagawin, pirming kang matatakot. Gusto mo ba iyon? Siguro naman ay hindi ka manhid para hindi mo maramdaman ang kanyang pagmamahal. Kung nararamdaman mo ang kanyang pagmamahal, pagkatiwalaan mo siya. Sige ka, baka magkalamat ang inyong relasyon. Hindi dahil sa pagbabalik ng kanyang ex kundi sa kawalan mo ng tiwala sa kanya. Kung ramdam mong kulang ang pagmamahal niya sa’yo, makipag-break ka na sa kanya. Oo nga mahirap makipaghiwalay, lalo na kung mahal na mahal mo siya ngunit, kailangan mo ring protektahan ang iyong sarili upang hindi ka na masaktan pa. Higit kaninuman, mas mahalin mo ang iyong sarili. Mag-usap rin kayo ng iyong bf. Itanong mo sa kanya kung tunay ba ang pagmamahal niya sa’yo. Kapag hindi siya makatingin ng diretso sa’yong mga mata, ibig sabihin ay hindi siya sigurado sa’yong damdamin ngunit kung nagagawa naman niyang bigkasin ang mga katagang mahal kita habang nakatitig sa’yong mga mata, dapat lang sigurong pagkatiwalaan mo siya.