Tuesday, February 7, 2012

Pinagdududahan ang katapatan ng boyfriend


Dear Maria Angela,
Mahal ko ang aking boyfriend pero nagdududa ako sa kanyang katapatan. Ano ang aking gagawin? – Frida

Frida,
Sigurado naman akong may dahilan ka kung bakit nakakaramdam ka ng pagdududa sa’yong boyfriend. Ano ang dahilan na iyon? Pakaisipin mo.  Talaga nga bang may dahilan para magduda ka sa kanya? Kung may mga kasinungalingan siyang sinasabi sa’yo, may rason nga talaga na pagdudahan mo siya. Kung may iba siyang ka-text, maaari ngang pinagtataksilan ka niya. Kung tunay ka niyang minamahal, sa’yo lang niya dapat ituon ang kanyang atensyon at pagmamahal. Ang tanong, mayroon ba siyang iba? Kung minsan kasi, kahit ipakita sa’yo ng boyfriend mo kung gaano ka niya kamahal, nagdududa ka pa rin sa kanya. Ano ang dahilan? Dahil sa insecurity na iyong nararamdaman. Hindi ko sinasabi na ganito ka nga, siyempre, tanging ikaw ang nakaaalam niyan. Ang ibig ko lang ay sabihin sa’yo ang maaaring dahilan kaya pinagdududahan mo siya. Kung alam mo na mahal na mahal ka niya, maiging magtiwala ka sa kanya. Kung sasabihin mo naman na marami siyang ginagawang kalokohan kaya naghihirapan kang magtiwala sa kanya, mas maigi pa sigurong maghiwalay na lang kayo. Wala naman kasing kuwenta ang relasyon kung hindi na ninyo kayang pagkatiwalaan ang isa’t isa.

Naniniwalang sa lotto aasenso


Dear Maria Angela,
Mahilig akong tumaya sa lotto pero lagi akong natatalo. Hay, hindi ko na tuloy alam kung paano ako aasenso.  – Lazaro

Lazaro,
Ang iyong pag-asenso ay huwag mong iasa sa pagtaya sa lotto. Kung talagang gusto mong umasenso, magtrabaho ka. Mas mabisang solusyon sa kahirapan ang pagbabanat ng buto. Hindi lahat ng tumataya sa lotto ay nananalo kaya huwag mong isipin na baka isang araw ay manalo ka rin sa lotto dahil kung lagi kang aasa, paulit-ulit ka lang mabibigo.  Magtrabaho ka ng umasenso ka, hindi sa lotto, casino o bingo nakasalalay ang iyong pag-asenso. Mas masarap makuha ang mga bagay na gusto mo kapag nanggaling ito sa’yong pagsisikap. Tandaan mo, kahit manalo ka pa ng kung ilang milyon, hindi rin tatagal ang iyong kayamanan kung bulagsak ka at walang hanap-buhay. 



Sunday, February 5, 2012

Ang guy o ang tibo?


Dear Maria Angela,
Anim na taon na kami ng karelasyon kong tibo ngunit may karelasyon din akong lalaki, two months pa lang kami. Naguguluhan ako, sino sa kanila ang aking pipiliin? – Abby

Abby,
Ang babae ay inilaan para sa lalaki. Iyon ang dahilan kaya kahit matagal na ang relasyon ninyo ng tibo ay hindi pa rin sapat para siya ang mahalin mo ng lubos. Hindi ko sinasabi ang mga katagang ito dahil inuudyukan kitang ang boyfriend mo ang iyong piliin, ikaw ang makapagdedesisyon noon. Ang nais ko lang ipamulat sa’yo, kahit maayos ang relasyon ninyo noong tibo, iba pa rin ang hahanapin mo. Aasamin mo pa rin na ang kayakap at kahalikan mo ay iyong tunay na lalaki. Patawarin mo ako sa aking sasabihin pero kalimitan, ang mga babaing nakikipagrelasyon sa tibo ay iyong takot masaktan. May mga lalaking papalit-palit ng karelasyon kaya natatakot silang mabigo samantalang kung ang pipiliin nila ay ang tibo, posibleng maging tapat ito sa kanya. Ganoon ka ba? Kung iyon ang layunin mo kaya nakipagrelasyon ka noon sa tibo, makabubuti pang putulin mo na ang relasyon mo sa kanya. Ang tao kasing umiibig ay hindi na iniisip ang damdamin ng iba sapagkat ang tanging mahalaga sa kanya ay ang kanyang damdamin. Kung mahal mo talaga ang karelasyon mong tibo, hindi mo gugustuhing saktan siya subalit nagawa mo na siyang pagtaksilan.


Saturday, February 4, 2012

Sinisiraan ng kasambay sa pamilya


Dear Maria Angela,
Itinuring kong kaibigan ang aking kasambahay pero sa huli ay nalaman kong sinisiraan niya ako sa aking pamilya. Payuhan mo ako kung ano ang dapat kong gawin. – Aurora

Aurora,
Kausapin mo siya, sabihin mo sa kanya ang mga nalaman mo. Kailangan lang na maging kalmante ka. Huwag mo siyang pagtataasan ng boses. Ipaalala mo sa kanya ang mga kabutihan na ginawa mo para sa kanya.  Sabihin mong hindi mo iyon sinasabi para sumbatan siya kundi para ipakita sa kanya na hindi mo lang siya itinuring na kasambahay kundi isang kaibigan. Kung may kabutihan na natitira sa kanyang puso, siguradong maaantig ang kanyang kalooban at pagsisisihan niya ang mga bagay na kanyang nagawa. Pero, anu-ano ba ang sinasabi niya sa’yong pamilya? Baka ang sinasabi lang niya ay katotohanan. Huwag mong isipin na kinakampihan ko ang iyong kasambahay. Ang ibig ko lang ay baka nagtatanong lang ang iyong pamilya at sinasagot lang ng iyong kasambahay. Kung may mali kang ginagawa, sana ay magbago ka rin.

May bf si misis na hiwalay sa asawa


Dear Maria Angela,
Tama bang makipagboyfriend ako gayung mayroon akong asawa? Iyon nga lang matagal na kaming hiwalay at mayroon na rin siyang pamilya. – Gwen

Gwen,
Kung mayroon na palang ibang pamilya ang dati mong asawa, mas maigi kung magpa-file ka ng annulment upang tuluyan ka ng makalaya sa kanya. Kahit matagal na kayong hiwalay, hindi ka pa rin lubos na nakakalaya sa kanya dahil  nga may bisa pa ang kasal mo sa dati mong asawa. Kungganoon, mali ang ginagawa mong pakikipagrelasyon. Kaya, sana naman kahit may boyfriend ka, alam mo kung ano ang inyong limitasyon. Hindi porke porke hiwalay ka sa’yong asawa, gagawa ka ng bagay na dudungis sa kanyang pangalan. Kung sakali kasing magbubuntis ka, ikaw ang lalabas na masama. Gusto mo bang pagtsismisan ka? Kung sa palagay mo ay wala kang pakialam sa mga taong may makakating dila, sana naman ay isipin mo ang pamilya mo na maaapektuhan. Kung may anak kayo ng iyong asawa, hindi ba dapat isipin mo rin siya?

Nananakit at naninigaw si Mister


Dear Maria Angela,
Pitong taon na kaming nagsasama ng aking Mister. Kapag nag-aaway kami ay nananakit siya at naninigaw kaya wala na akong ginagawa pagkaraan kundi umiyak. - Jane

Jane,
Hindi mo ba naisip na mali ang ginagawa niya sa’yo. Asawa ka niya kaya dapat lang na igalang ka niya at mahalin. Pero, siyempre mas maigi kung mag-uusap kayo. Sabihin mo sa kanya ang paghihirap na pinagdaraanan mo sa kanyang piling. Kung mahal ka niya, hindi siya magdadalawang-isip na magbago para sa’yo.  Ngunit, paano kung wala siyang balak magbago? Anong gagawin mo, magtitiis ka na lang ba? Sana ay pag-isipan mo ng mabuti ang iyong sasagot. Pirmi mo ring tatandaan na higit kaninuman, kinakailangan mong igalang at mahalin ang iyong sarili dahil kung hindi mo ito gagawin, wala ng ibang gagawa nito.

Bestfriend lang daw pero naging lover


Dear  Maria Angela,
May nangyari na sa amin ng bestfriend ko kahit may bf ako at may gf siya. Sa ngayon ay hindi ko sure kung buntis ako. Sabi naman ng bf ko, tatanggapin niya ang anak ko kahit hindi sa kanya. Ano ba ang aking gagawin? - Claire

Claire,
Kung talagang gusto mong makatiyak na buntis ka, bumili ka ng pregnancy test. Doon ay makikita mo kung buntis ka nga. Kung talagang mahal ka ng boyfriend mo ay magagawa niyang tanggapin ang lahat sa’yo, ngunit, tanungin mo ang iyong sarili, magagawa mo bang ipaako sa kanya ang anak mo sa ibang lalaki? Huwag ka sanang manggamit ng ibang tao para lang maisalba mo ang iyong sarili sa kahihiyan. Kahit mahal ka niya kung hindi mo magagawang ibigay sa kanya ang buo mong pagmamahal at katapatan, balewala ang inyong relasyon. Tingnan mo nga, magkasintahan pa lang kayo pero naging marupok ka na, paano pa kaya kung pakakasalan ka niya? Sana bago ka sumagot ng oo ay pag-isipan mo muna kung bukal ba sa’yong loob ang desisyong ‘yan. Tanungin mo rin sa’yong sarili ang mga katanungang ito. Bakit hinayaan mong may mangyari sa inyo ng bestfriend mo? Mahal mo ba siya? Kung tiyak mo talaga sa’yong sarili na siya ang nilalaman ng iyong puso, makipag-break ka na lang sa bf mo. Kung hindi mo kasi gagawin iyon, sisirain mo lang ang kanyang buhay. Biruin mo sa bawat pagdaan ng araw ay lalo ka lang niyang mamahalin. Ang mabuti pa, tiyakin mo muna sa’yong sarili kung buntis ka at kung sakaling buntis ka nga, kausapin mo muna ang tunay na ama ng iyong magiging anak. Alamin mo kung ano ang kanyang plano. Sana lang ay maging handa ka kung sakaling sabihin niya na iba ang kanyang mahal. Sa ayaw at gusto mo kasi ay kailangan mo itong tanggapin ng bukal sa’yong dibdib. Basta kung sakaling buntis ka, panindigan mo ‘yan. Siguro naman may sapat ka ng kaalaman para mapagtanto mo ang pagkakaiba ng asawa, boyfriend at bestfriend.